Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng dalawang bilang ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at mga kaukulang administrative complaint laban kina Senators Mark at Camille Villar, dating senador Manny Villar at dating Senador Cynthia Villar, Paolo Villar, at iba pang opisyal ng PrimeWater Infrastructure Corporation (PWIC) at ilang local water districts.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, bunga ito ng halos anim na buwang imbestigasyon sa mga joint venture agreement ng PrimeWater at iba’t ibang local water districts mula 2015 hanggang 2022.
Sinabi ni Clavano na natuklasan ng mga imbestigador na ang ilang kasunduan ng PrimeWater sa mga water district ay umano’y “grossly disadvantageous” o labis na nakapipinsala sa interes ng mga naturang distrito ng tubig.
Batay sa mga natuklasan, kinasuhan ang mga Villar bilang umano’y mga beneficial owner ng PrimeWater sa panahong saklaw ng imbestigasyon, kasama sina PWIC President Fe Rebancos at Vice President Romeo Sabater, bukod sa iba pang mga respondent.
Kabilang sa mga reklamong isinampa ang umano’y paglabag sa Sections 3(e) at 3(g) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Ang mga probisyong ito ay may kaugnayan sa pagbibigay ng hindi nararapat na pabor o benepisyo sa pribadong partido at pagpasok sa mga kontratang lubhang dehado para sa pamahalaan.
Nabatid na bahagi ng naging batayan ng imbestigasyon ang ulat ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) at mga findings ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng umano’y hindi pagbabayad ng PrimeWater ng kabuuang P65.6 milyong obligasyon sa Quezon Metro Water District, Trece Martires City Water District at San Pedro Laguna Water District.
Ayon sa COA, ang naturang halaga ay dapat sana’y magamit para sa mga materyales at suplay na kailangan ng mga local water district.
Sinabi rin ni Clavano na ito pa lamang ang unang batch ng mga reklamong may kaugnayan sa PrimeWater at may iba pang water districts na patuloy na iniimbestigahan.
Samantala, sinabi ni dating Senate President Manny Villar na wala pa silang natatanggap na kopya ng mga reklamo kaya hindi pa nila maaaring talakayin ang mga partikular na alegasyon.
Gayunman, iginiit niyang handa silang sagutin ang mga paratang sa tamang panahon at sa tamang forum at nananatili silang kumpiyansa na maipagtatanggol ang kanilang panig sa ilalim ng legal na proseso.
Sa ngayon, nasa preliminary investigation na ang mga reklamong isinampa at inaasahang bibigyan ng pagkakataon ang mga respondent na magsumite ng kanilang counter-affidavits bilang bahagi ng due process.










