Posibleng umabot sa legal na aksyon ang usapin sa pagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Meta kung hindi magkakaroon ng kasunduan sa mga hakbang para sa online safety, lalo na sa proteksyon ng mga kabataan, ayon kay DICT Secretary Henry Aguda.
Ayon kay Aguda, mahigit isang taon nang nakikipagdayalogo ang pamahalaan sa Meta, na nagmamay-ari ng Facebook at Instagram, at nakapagpadala na rin umano ng dalawang liham kay Meta chief executive officer Mark Zuckerberg.
Inihayag din niyang may nakahanda nang draft memorandum of understanding na naglalaman ng mga safety protocol na isinusulong ng gobyerno. Bagama’t napagkasunduan na umano ang nilalaman nito, hindi pa rin ito nalalagdaan ng Meta.
Humingi na rin ng tulong ang DICT sa pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng Philippine Embassy at Department of Foreign Affairs upang mapabilis ang komunikasyon sa pamunuan ng Meta.
Sinabi ni Aguda na kung hindi magtatagumpay ang negosasyon, maaaring dumulog sa korte ang pamahalaan upang matukoy kung may pananagutan ang Meta sa mga umano’y pinsalang dulot ng social media sa ilang users, partikular sa mga kabataan.
Binanggit din niya ang mga kasong kinaharap ng Meta sa ibang bansa. Noong Agosto, pumayag ang kumpanya sa isang settlement na nagkakahalaga ng hanggang humigit-kumulang $18 bilyon kaugnay ng mga reklamong inihain ng ilang estado at teritoryo sa Estados Unidos tungkol sa umano’y epekto ng Facebook at Instagram sa kabataan.
Gayunman, hindi nagbigay si Aguda ng tiyak na posisyon kung dapat bang ipagbawal ang Facebook sa Pilipinas, dahil kailangan umanong timbangin ang epekto nito sa ekonomiya at lipunan laban sa mga panganib na kaakibat ng hindi ligtas na paggamit ng social media.
Ang panawagan para sa mas mahigpit na online safety measures ay kasunod ng mga ulat at imbestigasyon hinggil sa paggamit ng ilang online platforms sa umano’y grooming at pagpapakalat ng marahas na content na maaaring makaapekto sa mga kabataan.











