--Ads--

Nasabat ng mga operatiba ng Cauayan City Police Station ang tinatayang ₱30,000 halaga ng assorted brands ng hinihinalang smuggled cigarettes matapos ang isang buy-bust operation sa Purok 5, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.


Kinilala ang naaresto sa alyas na “Edmund,” 38-anyos, walang trabaho, at residente ng nasabing syudad.


Ayon sa paunang ulat, isinagawa ng mga tauhan ng Cauayan City Police Station ang operasyon kaugnay ng umano’y pagbebenta ng mga puslit na sigarilyo. Nagresulta ito sa pagkakabili mula sa suspek ng dalawang kahon ng BINGO Full Flavor American Blend, na naglalaman ng kabuuang 50 reams ng sigarilyo.


Narekober din mula sa operasyon ang ₱22,500 buy-bust money, kabilang ang isang genuine ₱500 bill at mga boodle money na ginamit bilang bahagi ng operasyon.

--Ads--


Sa isinagawang paunang beripikasyon, napag-alamang ang mga nakumpiskang produktong sigarilyo ay pinaghihinalaang walang valid tax stamps at may mga palatandaang hindi nabayaran ang kaukulang duties at excise taxes, dahilan upang dalhin ang mga ito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 2 para sa pagsusuri at opisyal na pagtataya.


Matapos ang naturang operasyom, dinala ang suspek at mga nakumpiskang sigarilyo sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Isusumite naman sa BIR Region 2 ang mga nakumpiskang produkto para sa pagsusuri ng authenticity at pagtukoy sa eksaktong assessed value nito. Inihahanda na rin ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng naaangkop na kaso alinsunod sa umiiral na batas.