--Ads--

Arestado ang No. 3 Regional Top Most Wanted Person sa isinagawang manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan sa Barangay Sta. Cruz, Benito Soliven, Isabela, nitong Oktubre 2, 2026.

Kinilala ang naaresto sa alyas na “Jeremy,” 29-anyos, magsasaka at residente ng San Isidro, Isabela.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-10:40 ng umaga ng San Isidro Municipal Police Station bilang lead unit, katuwang ang Benito Soliven MPS, Provincial Intelligence Unit ng Isabela PPO, Criminal Investigation Team Santiago, Regional Intelligence Unit 2, HSC Isab at PNP-SAF.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Setyembre 24, 2026 kaugnay ng apat na bilang ng Qualified Rape of a Minor, na walang inirekomendang piyansa.

Ayon sa pulisya, may kaugnayan ang mga kasong isinampa sa mga insidenteng umano’y naganap noong Disyembre 2025 at Pebrero at Marso 2026.

--Ads--

Nasa kustodiya na ng San Isidro MPS ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon bago ang turnover nito sa issuing court.