Posibleng tumaas ang presyo ng gasolina at kerosene habang inaasahang bababa naman ang presyo ng diesel sa susunod na linggo, batay sa pinakahuling galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ayon sa Department of Energy o DOE.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, tinatayang nasa ₱1.50 kada litro ang maaaring itaas sa presyo ng gasolina, ₱2 kada litro sa kerosene, habang posibleng magkaroon ng ₱1 kada litrong rollback sa diesel.
Batay aniya ang mga pagtatayang ito sa average na galaw ng international oil market sa nakalipas na apat na araw ng trading.
Gayunman, maaari pa umanong magbago ang naturang mga pagtataya depende sa magiging galaw ng pandaigdigang merkado ng langis at sa sitwasyong geopolitical sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Nagbabala rin si Abad na maaaring magkaroon ng dagdag na pressure sa presyo ng mga produktong petrolyo matapos ipahayag ng China ang pansamantalang pagsususpinde sa pag-export ng refined petroleum products sa mga buyer sa Asia-Pacific.











