Nanawagan ng tulong sa pamahalaan ang pamilya ng sundalong nasawi sa pag-ambush sa isang military convoy sa Lamitan City, Basilan nitong Huwebes ng gabi.
Ang nasawing sundalo ay si Cpl. Efren Lagmay na tubong Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Relly Lagmay, kapatid ng nasawing sundalo, sinabi nito na nais lamang nilang maiuwi ang bangkay ng kanilang kapatid at masilayan ito sa huling pagkakataon.
Nakapangasawa ito sa bahagi ng Zamboanga at plano umano ng kanyang misis na doon na lamang ilibing ang kanilang kapatid dahil batay sa tradisyon doon, isang gabi at isang araw lamang umano ang itinatagal ng lamay bago ilibing.
Dahil dito, hiling ng kanyang pamilya na iuwi na lamang sa Isabela ang bangkay ng kanilang kapatid upang magkaroon ng pagkakataon na masilayan ng kanilang pamilya ang labi nito.
Aniya, noong nakaraang buwan ay nagbakasyon pa si Efren sa Echague at noong araw na sila’y in-ambush sa Basilan, nakausap pa nito ang kanyang kapatid at sinabi na naka-red alert ang kanilang hanay.
Kinabukasan ay nabalitaan na lamang nito na kabilang si Efren sa mga sundalong tinambangan sa Lamitan City.
Anim na iba pang sundalo at dalawang sibilyan ang nasugatan sa ambush subalit si Efren lamang ang binawian ng buhay matapos magtamo ng matinding injury sa katawan.
Aniya, naiparating na nila sa Philippine Army ang kanilang kahilingan subalit ayon sa kanila, ang asawa umano nito ang magdedesisyon.
Labing-isang taon na sa serbisyo ang kanilang kapatid subalit wala pang isang buwan simula noong siya ay madestino sa Basilan.





