Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 sa mga magsasaka at residente sa western Isabela laban sa panganib ng grass fire, partikular sa mga napapabayaang sakahan na maaaring pagmulan ng mabilis na pagkalat ng apoy sa gitna ng banta ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Enrique Pasion, Assistant Regional Director for Management Services ng DENR Region 2, sinabi nitong kabilang ang western area sa mga lugar na dapat tutukan dahil may mga insidente ng sunog na nagsisimula sa mga sakahan at kumakalat sa mga katabing damuhan.
Ayon kay Pasion, mabilis kumalat ang grass fire at mahirap nang kontrolin kapag nadaraanan nito ang mga tuyong damuhan at iba pang vegetation.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga magsasaka na iwasan hangga’t maaari ang paggamit ng apoy sa paglilinis ng sakahan at pagtatapon ng agricultural waste.
Binigyang-diin din ni Pasion na hindi dapat maliitin ang banta ng grass fire dahil maaari itong kumalat sa mas malawak na bahagi ng lupain at magdulot ng pinsala sa mga pananim, likas na yaman at mga kalapit na kabundukan.
Bagama’t nakararanas pa ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, mahalaga pa ring paghandaan ang posibleng pagbabago ng kondisyon ng panahon sa mga susunod na buwan.
Aniya, hindi garantiya ang kasalukuyang pag-ulan na mananatiling basa ang mga damuhan at lupain sa mga susunod na panahon.











