Hindi bababa sa 71 katao, kabilang ang apat na sundalo, ang naiulat na nasawi sa sagupaan ng mga armadong sibilyan sa Rumbek, kabisera ng Lakes State sa South Sudan.
Batay sa paunang ulat ng pamahalaan, nagsimula ang bakbakan dakong alas-kuwatro ng madaling-araw nitong Biyernes, kasunod ng naunang karahasan sa bayan ng Nyangkot kung saan apat na katao naman ang naiulat na napatay noong Huwebes.
Kumalat ang sagupaan sa mga residential area, dahilan upang lumikas ang mga residente patungo sa mga kalapit na nayon para sa kanilang kaligtasan.
Ayon sa pamahalaan, nakontrol na ng pinagsanib na puwersang panseguridad ang sitwasyon. Apat na armadong sibilyan ang naaresto, habang apat na baril ang nakumpiska.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa mga komunidad na manatiling kalmado at iwasan ang paghihiganti o panibagong pag-atake.
Gayunman, paunang bilang pa lamang ang mga nasawi habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Paulit-ulit nang nagdudulot ng problema sa seguridad sa Lakes State ang mga alitan sa pagitan ng mga komunidad, paghihigantihan at mga sigalot na may kaugnayan sa pag-aari ng mga baka.






