Nagsalita na si Jamie Evangelista, asawa ng aktor na si Baron Geisler, upang linawin ang tunay na kalagayan ng kanilang pagsasama at ang mga espekulasyong kumakalat tungkol sa aktor.
Ayon kay Jamie, kasalukuyang nasa isang treatment facility na konektado sa kanilang church na Christ’s Commission Fellowship (CCF) si Baron, kung saan tumatanggap ito ng propesyonal na pangangalaga.
Sinabi rin ni Jamie na nagpapatuloy sila sa kani-kanilang therapy at nagsisikap na makapagsagawa rin ng marriage counseling upang matulungan ang kanilang relasyon.
Sa kabila ng mga pagsubok, pinanghahawakan umano ni Jamie ang kanyang pananampalataya at patuloy na ipinagdarasal ang paggaling ng kanyang asawa.
Binigyang-diin din niya na magkasabay na maaaring sandigan ang pananampalataya at propesyonal na tulong, kaya humiling siya ng panalangin, privacy, at sapat na panahon para sa kanilang paghilom.
Inamin din ni Jamie ang kanyang mga pagkukulang sa kanilang pagsasama, kabilang ang hirap niyang harapin ang stress at galit. Aniya, seryoso niyang tinutukan ang therapy, patuloy na nag-aral tungkol sa counseling, at nagtuon sa pagmamahal at pagpapabuti sa sarili.
Sa gitna ng mga pinagdaraanan, sinisikap din umano ni Jamie na manatiling positibo at pangalagaan ang kanyang kalusugan, lalo na’t kailangan pa siya ng kanilang mga anak.







