--Ads--

Muling sumailalim sa rehabilitation facility ang international pop star na si Britney Spears matapos siyang maaresto sa Los Angeles noong nakaraang Marso dahil sa hinalang pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak (DUI).

Ayon sa Ventura County Sheriff’s Department, inaresto si Spears noong unang bahagi ng Marso at pinalaya rin kinabukasan. Nakatakda siyang humarap sa korte sa Mayo 4 kaugnay ng naturang kaso.

Sa pahayag ng kanyang kinatawan, tinawag na “hindi katanggap-tanggap” ang insidente ngunit iginiit na handa ang singer na sumunod sa batas at gawin ang kinakailangang hakbang para sa kanyang kalagayan.

Dagdag pa ng kampo ng artist, inaasahang susuportahan siya ng kanyang mga mahal sa buhay, kabilang ang kanyang mga anak, habang nasa proseso ng rehabilitasyon.

--Ads--

Hindi ito ang unang pagkakataon na pumasok sa rehab si Spears. Una siyang nagpagamot noong 2007 at 2008 kasunod ng mga personal na pagsubok at custody battle.

Matatandaang inilagay rin siya sa ilalim ng conservatorship ng kanyang ama na si Jamie Spears noong 2008 matapos maospital dahil sa mental health concerns. Naging kontrobersyal ito at umani ng malawakang panawagan para sa kanyang kalayaan, na kalauna’y natapos noong Setyembre 2021 matapos ang “Free Britney” movement.