--Ads--

Pinangunahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kinatawan ng Pampanga 2nd District, ang trilateral dialogue ng Pilipinas, Timor-Leste at Cambodia sa Department of Justice (DOJ) noong Biyernes upang talakayin kung paano mahihikayat ang iba pang bansa sa ASEAN na buwagin ang parusang kamatayan.

Ayon kay DOJ Undersecretary Raul Vasquez, tinalakay sa pagpupulong kung paano mahihikayat ang mga karatig-bansa na sundan ang hakbang ng tatlong bansa laban sa death penalty, alinsunod sa kanilang mga batas at konstitusyon.

Tumanggi namang magbigay ng panayam si Arroyo matapos ang maikling pagbisita. Nilinaw ni Vasquez na walang pulitika sa naging talakayan at wala rin doon si Justice Secretary Fredderick Vida.
“Nothing, nothing, it’s very formal and academic in essence,” ani Vasquez.

Noong 2006, nilagdaan ni Arroyo ang Republic Act No. 9346, na nagbabawal sa pagpapataw ng death penalty sa Pilipinas.

--Ads--

Binanggit din ni Vasquez na hindi tuwirang nakinabang sa batas na ito si Mary Jane Veloso, ang Pilipinang nahatulan ng kamatayan sa Indonesia ngunit kalaunan ay nabawasan ang sentensiya sa habambuhay na pagkakakulong.

Ayon kay Vasquez, sa ilalim lamang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. naisakatuparan ang pagbabalik ni Veloso sa Pilipinas. Sinabi niyang siya mismo ang nagtungo sa Indonesia upang lumagda sa kasunduang nagbigay-daan sa kanyang pagbabalik.