--Ads--

Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban sa 46 na indibidwal, kabilang ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, kaugnay ng umano’y iregular na pagbili ng personal protective equipment, COVID-19 testing kits at iba pang medical supplies noong kasagsagan ng pandemya.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, aabot sa ₱11 bilyon ang halagang sangkot sa reklamo.

Kabilang sa mga respondent sina Lloyd Christopher Lao, dating pinuno ng Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM, at Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Remulla na tumagal ang paghahanda ng reklamo dahil sa dami ng mga respondent. Aniya, 23 sa 46 na indibidwal ang hindi matagpuan sa kanilang mga kilalang address sa kabila ng mga pagtatangkang hanapin ang mga ito.

--Ads--

Kabilang sa mga hindi matunton ang mga opisyal ng Pharmally na sina Huang Tzu Yen, Twinkie Dargani, Mohit Dargani at Linconn Uy Ong, gayundin si Yang, na iniuugnay sa pagpopondo sa kompanya.

Noong Agosto 2025, naghain ng plea na not guilty si Lao sa Sandiganbayan Fifth Division kaugnay ng hiwalay na kasong may kinalaman sa umano’y iregular na pagbili ng ₱4.4 bilyong halaga ng medical supplies mula sa Pharmally noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.