--Ads--

Isang tripulante ang nasawi at tatlo pa ang nawawala matapos tamaan umano ng drone ang Comoros-flagged cargo vessel na Khoryv sa Black Sea, malapit sa baybayin ng Romania, noong Oktubre 23.

Ayon sa ulat, nagpadala ng distress signal ang barko habang nasa layong 13 nautical miles silangan ng Constanța bago ito nasunog at tumaob.

Siyam sa 13 tripulante ang nailigtas, habang nagpapatuloy ang search and rescue operation sa kabila ng maalon na karagatan.

Binubuo ang mga tripulante ng 10 Ukrainian at tatlong Azerbaijani national. Galing sa Türkiye ang barko at patungo sana sa daungan ng Sulina sa Romania, na nagsisilbing mahalagang ruta ng mga produktong iniluluwas ng Ukraine.

--Ads--

Sinisi naman ni Romanian President Nicușor Dan ang Russia sa naturang pag-atake at inilarawan itong bahagi ng patuloy na paglala ng digmaan laban sa Ukraine.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Moscow kaugnay ng insidente sa oras ng pag-uulat.

Dahil dito, muling nababahala ang mga awtoridad sa kaligtasan ng mga komersiyal na barko sa kanlurang bahagi ng Black Sea, kasunod ng sunod-sunod na pag-atake na naglalagay sa panganib sa mga sibilyang tripulante at nakaaapekto sa mahahalagang ruta ng kalakalan sa rehiyon.