--Ads--

Nakabalik na sa Vatican si Pope Leo matapos makalabas sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy nitong Sabado, apat na araw matapos sumailalim sa operasyon para alisin ang bahagi ng kaniyang kanang baga dahil sa kanser.

Personal na naglakad ang 71-anyos na Santo Papa palabas ng ospital nang walang alalay at kumaway sa mga taong naghihintay sa kaniya. Huminto rin siya upang makausap ang isang 13-anyos na batang babae mula Ukraine na nagpapagamot sa Italy dahil sa kanser.

Ayon sa kaniyang mga doktor, maaari nang umuwi ang Santo Papa matapos ang mga pagsusuri sa dugo at imaging sa dibdib. Matagumpay din umanong naisagawa ang operasyon noong Martes nang walang komplikasyon.

Si Pope Leo ay na-diagnose na may lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga. Gayunman, hindi pa inilalabas ng kaniyang mga doktor ang detalye tungkol sa laki ng tumor at kung kumalat na ito sa kalapit na mga lymph node.

--Ads--

Inaasahang mangunguna ang Santo Papa sa kaniyang lingguhang panalangin kasama ang mga peregrino mula sa kaniyang apartment na nakaharap sa St. Peter’s Square ngayong Linggo, sa kauna-unahang pagkakataon mula nang operahan.

Samantala, sinabi ni Dr. Stefano Margaritora, ang pangunahing surgeon ni Pope Leo, na maaari siyang ganap na makarekober sa loob ng sampung araw. Wala rin umanong medikal na dahilan sa ngayon upang kanselahin ang nakatakda niyang pagbisita sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17.