Nakapagtala ng malaking upset si World No. 14 Yolanda Hopkins matapos talunin si World No. 3 Gabriela Bryan upang makausad sa quarterfinals ng kauna-unahang World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro sa Cloud 9, Siargao nitong Sabado.
Nagtala si Hopkins ng kabuuang 10.10 pts. mula sa dalawang alon na nakakuha ng 5.27 at 4.83 pts, sapat upang patalsikin ang mas mataas ang ranggong Amerikanang surfer.
Makakaharap naman niya sa quarterfinals si World No. 6 Caitlin Simmers na nanaig laban sa kapwa Amerikanang si World No. 11 Caroline Marks matapos magtala ng 15.17 pts.
Kapwa nagtapos sa ikasiyam na puwesto sina Bryan at Marks na may tig-2,000 championship points.
Isinagawa ang kompetisyon sa gitna ng apat hanggang anim na talampakang alon sa Cloud 9. Ayon kay Simmers, isa ito sa kanyang mga paboritong surfing spots dahil sa hamong dulot nito at pagkakataong maipakita ng mga atleta ang kanilang aerial maneuvers.





