Mahigit 30 miyembro ng Citizen Information and Assistance (CIA) ang itinalaga sa tatlong sementeryo sa Cauayan City, Isabela upang tumulong sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan noong Undas, Nobyembre 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Armando Driz, Chief ng CIA Cauayan City, sinabi nitong tig-sasampung miyembro ang itinalaga sa mga sementeryo sa Barangay San Fermin, Tagaran at San Francisco.
Katuwang ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang organisasyon sa pagbabantay sa mga dumadalaw at pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa paligid ng mga sementeryo.
Pangatlong taon na aniya na nakibahagi ang CIA sa pagbabantay tuwing Undas at wala naman silang naitalang malaking problema sa mga lugar na kanilang binantayan.
Isinagawa nang salitan ang kanilang pagbabantay upang matiyak na may mga miyembrong nakatalaga mula umaga hanggang magdamag.
Samantala, pinaalalahanan ni Driz ang publiko na sumunod sa mga alituntunin sa mga sementeryo upang mapanatili ang ligtas at maayos na paggunita sa Undas.











