Nasawi ang siyam na kataong sakay ng isang Learjet 60 matapos itong bumagsak sa Military Trail malapit sa Cresthaven Boulevard at 10th Avenue North sa Palm Beach County, Florida.
Ayon kay U.S. Transportation Secretary Sean Duffy, patungo sana sa Bahamas ang business jet matapos lumipad mula sa Austin-Bergstrom International Airport sa Texas.
Dahil sa matinding pinsala at malaking crater na naiwan sa kalsada, posibleng abutin ng isang buwan bago muling mabuksan ang southbound lanes ng Military Trail, ayon kay Palm Beach County Commissioner Joel Flores.
Inilikas din ang humigit-kumulang 600 residente mula sa isang mobile home community malapit sa pinangyarihan habang isinasailalim sa imbestigasyon ang lugar. Dinala sila sa dalawang evacuation shelter sa county.
Ayon naman kay Florida Governor Ron DeSantis, wala pang naitatalang nasawi o nasugatan sa mga taong nasa lupa, bagama’t kumalat sa malawak na lugar ang mga debris mula sa pagbagsak.
Pinangunahan ng National Transportation Safety Board (NTSB) ang imbestigasyon, katuwang ang Federal Aviation Administration (FAA), upang matukoy ang sanhi ng insidente. Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.











