Ipinaalala ng International Criminal Court (ICC) sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kinakailangan ang kaniyang personal na pagdalo sa korte araw-araw sa pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30.
Ayon kay Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner, maaaring magbigay ng pansamantalang pahintulot ang korte na hindi dumalo ang akusado sa ilang pagdinig bago ang trial, subalit kinakailangan na ang tuloy-tuloy na physical presence nito kapag pormal nang nagsimula ang paglilitis.
Binigyang-diin ni Korner sa abogado ni Duterte na si Peter Haynes na inaasahan ang araw-araw na pagdalo ng dating pangulo sa buong panahon ng paglilitis.
Nakasaad din sa Article 63(1) ng Rome Statute na kinakailangang naroroon ang akusado habang isinasagawa ang trial, maliban kung may pambihirang pagkakataong papayagan ng korte ang ibang arrangement.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.











