Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng mga kinatawan ng mga biktima na gumamit ng Tagalog sa ilang bahagi ng kanilang opening statement sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ikalimang pre-trial conference sa The Hague, ipinaliwanag ni Presiding Judge Joanna Korner na hindi kabilang ang Tagalog sa mga opisyal na wika ng ICC kaya posibleng magdulot ito ng dagdag na gastusin at komplikasyon sa pagsasalin.
Iginiit naman ni Public Counsel for Victims Paolina Massidda na mahalagang magamit ang Tagalog upang mas maipahayag nang wasto ang mga salaysay ng mga biktima, bagama’t limitado lamang ito sa pagbanggit ng kanilang mga pahayag.
Sa ilalim ng Rome Statute, English at French lamang ang opisyal na wika ng ICC.











