Nagkaroon ng public appearance ang Chinese action star na si Jet Li kasama ang bunsong anak na si Jada sa kanilang pagbisita sa Bhutan, kung saan nakipagkita sila sa Hari at Reyna ng nasabing bansa.
Dumalo ang 63-anyos na aktor sa seremonya ng pagtatayo ng 108 Buddhist stupas bilang bahagi ng proyekto para sa pagpapaunlad ng bagong mindfulness city ng Bhutan at pagpapalakas ng ekonomiya nito.
Pinangunahan ni King Jigme Khesar Namgyel Wangchuck ang naturang inisyatiba na nilahukan ng mahigit 40,000 volunteers mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukod sa pagdalo sa seremonya, personal ding tumulong si Li sa construction site. Nakita rin siyang nagdarasal sa harap ng isang Buddha statue.
Samantala, napansin naman ng publiko ang 23-anyos na si Jada dahil sa pagsusuot nito ng tradisyonal na kasuotan ng Bhutan. Sa mga nakalipas na taon, mas pinili ni Jet Li na ituon ang oras sa kanyang pamilya at Buddhist spiritual practices kaysa sa kanyang karera sa pelikula.







