--Ads--

Wala pang mabibiling bakuna laban sa African Swine Fever o ASF sa merkado sa Pilipinas sa kabila ng pag-apruba na sa ibang bansa para sa commercial production nito.
‎
‎Ito ang paglilinaw ni Cauayan City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kaugnay ng posibilidad na magamit na rin ng mga lokal na magbababoy ang naturang bakuna bilang karagdagang proteksyon sa kanilang mga alagang hayop.
‎
‎Ayon sa opisyal, bagama’t pinayagan na sa ibang bansa ang commercial production ng bakuna, hindi pa ito available sa Pilipinas at wala pang mabibili nito sa lokal na merkado sa kasalukuyan.
‎
‎Hindi rin matiyak kung kailan ito maaaring maipasok sa bansa at maging available para sa mga lokal na hog raisers.
‎
‎Paliwanag nito, kung magiging available na ang bakuna sa Pilipinas, inirerekomenda rin ang paggamit nito sa mga alagang hayop na pasok sa itinakdang kondisyon para sa pagbabakuna.
‎
‎Gayunman, hindi lahat ng alaga sa isang babuyan ay maaaring mabakunahan dahil may partikular na yugto ng paglaki na saklaw lamang ng naturang bakuna.
‎
‎Kabilang dito ang mga grower at fattener hogs, habang wala pang available na bakuna para sa mga inahing baboy o sows.
‎
‎Dahil dito, hindi nangangahulugang ganap nang mapoprotektahan ang lahat ng alagang hayop sa pamamagitan lamang ng pagbabakuna.
‎
Inirekomenda ni Dalauidao na bagama’t inirerekomenda ang paggamit ng bakuna kapag naging available na ito, hindi dapat isantabi ng mga hog raisers ang mahigpit na pagpapatupad ng biosecurity measures sa kanilang mga alagaan.