--Ads--

Inirereklamo ngayon ng mga mag-aaral sa isang pampublikong paaralan sa Lungsod ng Cauayan ang paulit-ulit na pagbaha sa Baligod Street, Barangay Turayong, na nagdudulot ng perwisyo at panganib sa kanilang kaligtasan tuwing umuulan.

Kahit mahina o kaunting pag-ulan lamang ay agad umanong naiipon ang tubig sa naturang kalsada dahil sa kawalan ng maayos na drainage system.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ianna Collantes, isang mag-aaral at student leader sa naturang paaralan, ibinahagi nito ang hirap na kanilang nararanasan tuwing bumabaha sa lugar.

Ayon kay Collantes, umaabot hanggang bukong-bukong ang tubig-baha sa kalsada, dahilan upang mahirapan ang mga estudyanteng araw-araw na naglalakad patungo sa paaralan.

--Ads--

Dahil dito, napipilitan silang umiwas sa baha sa pamamagitan ng paglalakad sa gitna ng kalsada, na lalo namang naglalagay sa kanilang buhay sa panganib dahil kapwa dumaraan dito ang mga sasakyan.

Ibinunyag din ng student leader na mayroon nang mga naitalang insidente ng pagkakadisgrasya sa lugar dahil sa delikadong sitwasyon.

Hindi naman pinalampas ng mga mag-aaral ang pagkakataong maiparating ang kanilang hinaing nang bumisita sa kanilang paaralan ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan, kabilang ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.

Bilang tugon, nangako si Cauayan City Vice Mayor Benjamin Dy na ipasusuri niya sa City Engineering Office ang kondisyon ng kalsada sa Baligod Street upang matukoy ang nararapat na solusyon sa problema sa drainage at maiwasan ang patuloy na pagbaha.

Sa kabila nito, umaasa ang mga mag-aaral na masusundan agad ng konkretong aksyon ang pangakong binitiwan ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Collantes, labis silang madidismaya kung mananatili lamang sa pangako ang napag-usapan, lalo’t kaligtasan ng mga estudyanteng araw-araw na dumaraan sa naturang kalsada ang nakataya.