--Ads--

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-29 na ASEAN-China Summit na dinaluhan ni Chinese Premier Li Qiang nitong Lunes, Nobyembre 16, 2026.

Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagsunod sa international law at mapayapang paglutas sa mga sigalot sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili, paggalang sa isa’t isa at praktikal na kooperasyon.

Ayon sa Pangulo, mahalagang maisalin sa aktuwal na pagkilos ng mga bansa ang kanilang magkakaisang paninindigan para sa mga prinsipyong ito.

Matatandaang matagal nang may tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa magkasalungat nilang pag-aangkin sa ilang bahagi ng South China Sea.

--Ads--

Bago ang naturang summit, nagpalitan pa ng mga pahayag ang dalawang bansa matapos akusahan ng Beijing ang Maynila noong Oktubre ng paglalagay umano ng iba’t ibang hadlang sa pagdalo nito sa isang pulong ng ASEAN sa Pilipinas. Itinanggi naman ito ng kalihim ng tanggulang pambansa ng bansa.

Samantala, nanawagan din noon si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa Pilipinas na pigilan ang ilang mambabatas na umano’y paulit-ulit na naninira sa Beijing at lumalampas sa mga itinakda nitong red lines.

Kaugnay nito, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro nitong Linggo na hindi na matatapos sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN chair ang isang pinal at may-bisang Code of Conduct sa South China Sea.

Gayunman, sinabi ni Lazaro na umabot na sa 80 porsiyento ang progreso ng naturang dokumento at ipauubaya na ang pagpapatuloy nito sa Singapore sa susunod na pamumuno nito sa ASEAN.