Muling tiniyak ni US President Donald Trump ang matatag na suporta at alyansa ng United States sa Pilipinas, kasabay ng pagsusulong ng mas malawak na kooperasyon sa larangan ng depensa, enerhiya at teknolohiya.
Sa kanyang talumpati sa Malacañang, pinuri ni Trump si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at binigyang-diin ang makasaysayang ugnayan ng dalawang bansa na nakabatay sa pinagsasaluhang pagpapahalaga at interes, kabilang ang pagtatanggol sa soberanya at kalayaan.
Kabilang sa mga posibleng palawakin ang kooperasyon sa energy security, nuclear energy at paggamit ng teknolohiyang Amerikano sa mga proyekto ng Pilipinas. Iminungkahi rin ni Trump na maging katuwang ang bansa sa planong pag-export ng enerhiya ng United States sa mga kaalyado nito sa Pacific, kasunod ng anunsyo ng bagong pipeline project sa Alaska.
Sa larangan ng depensa, inihayag ni Trump ang pagpapalawak ng military cooperation, kabilang ang dagdag na military financing at pag-apruba sa mahigit limang bilyong dolyar na arms sales.
Muli rin nitong tiniyak ang patuloy na suporta ng United States sa seguridad ng Pilipinas at nagpahayag ng kahandaang higit pang patatagin ang partnership ng dalawang bansa.
Pinuri rin ni Trump ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit at ang pakikipag-ugnayan nito sa mga lider ng Southeast Asia.









