Personal na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si United States President Donald Trump sa Malacañang ngayong Nobyembre 18, 2026, sa pagsisimula ng state visit nito sa Pilipinas.
Isinasagawa ang pagbisita kasabay ng paggunita sa ika-80 taon ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos at ika-75 anibersaryo ng kanilang Mutual Defense Treaty.
Inaasahang tatalakayin ng dalawang lider sa kanilang bilateral meeting ang mga usapin hinggil sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon, kalakalan, pamumuhunan, seguridad sa ekonomiya, ugnayang pantao at mga hamong kinahaharap ng dalawang bansa.
Kabilang din sa mga nakatakdang pag-usapan ang kapakanan at proteksyon ng mga overseas Filipino workers at iba pang Pilipinong naninirahan sa ibang bansa.
Bago ang state visit, dumalo si Trump sa ASEAN-US Special Summit na bahagi ng 49th ASEAN Summit and Related Summits na pinangunahan ng Pilipinas.
Matatandaang itinuturing ang Estados Unidos bilang pinakamatagal at nag-iisang treaty ally ng Pilipinas, na pinagtitibay ng mga kasunduang Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Sa larangan naman ng ekonomiya, pumangatlo ang Estados Unidos sa pinakamalaking trading partners ng Pilipinas noong 2025 at nagsilbing pinakamalaking export market ng bansa, na may kabuuang kalakalan na nagkakahalaga ng 21.6 billion US dollars.











