Matagumpay na naidepensa ni Filipino MMA fighter Joshua “The Passion” Pacio ang kaniyang ONE Strawweight MMA World Championship title matapos talunin sa submission ang Japanese challenger na si Keito “Pocket Monk” Yamakita sa kanilang sagupaan sa Tokyo, Japan nitong Miyerkules, Nobyembre 18.
Tuluyang pinasuko ni Pacio si Yamakita sa pamamagitan ng arm-triangle choke sa 4:17 mark ng fourth round sa main event ng ONE SAMURAI 5 na ginanap sa EBARA WAVE Arena Ota.
Naging dikdikan ang laban ng dalawang fighters, partikular sa kanilang palitan ng takedown at submission attempts.
Bagama’t nakalamang si Yamakita sa opening round, unti-unting nakontrol ni Pacio ang laban sa sumunod na mga round sa pamamagitan ng kaniyang ground game at sunod-sunod na pag-atake.
Sa fourth round, nagawa ng Pinoy champion na makuha ang likuran ng Japanese fighter bago ikinasa ang arm-triangle choke na naging dahilan ng pagtatapos ng laban.
Dahil sa panalo, umangat sa 25-5 ang professional MMA record ni Pacio at naitala rin niya ang kaniyang unang panalo sa Japan, kasabay ng pagpapatuloy ng kaniyang paghahari sa ONE Strawweight division.




