Tampok ang mga lokal na produkto ng Isabela sa dalawang araw na Philippine Summit sa Lungsod ng Cauayan, kung saan lumahok ang 20 Micro, Small, and Medium Enterprises o MSMEs mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Isinasagawa ang product showcase sa Isabela Convention Center upang ipakilala sa mas maraming mamimili at investors ang mga produktong gawang-Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mary Rose Dumpit, Senior Trade Industry Development Specialist at focal person ng programa, sinabi niyang malaking oportunidad ito para sa mga lokal na negosyante na mapalawak ang kanilang merkado at maipakita ang kalidad ng kanilang mga produkto.
Sa katunayan, ilan na umano sa mga kalahok ang kinailangang mag-restock matapos maubos ang kanilang mga paninda dahil sa mataas na demand ng mga mamimili.
Inaasahan namang makatutulong ang naturang aktibidad sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at pagpapalawak ng pagkilala sa mga produktong Isabeleño sa loob at labas ng rehiyon.











