Pormal nang sinimulan ngayong araw sa Isabela Convention Center ang Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions, Sustainable Tourism, and Creative Industries Development.
Tampok sa unang araw ng pagtitipon ang mga piling keynote at resource speaker na magbabahagi ng kanilang kaalaman at pananaw hinggil sa pangangalaga sa kalikasan, pagsusulong ng sustainable tourism at pagpapaunlad ng creative industries.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Nong Rengasa, Executive Director ng Local Climate Change Adaptation for Development, sinabi niyang layunin ng summit na pag-ugnayin ang iba’t ibang sektor upang makabuo ng mga estratehiya at solusyong makatutulong sa pagharap sa epekto ng climate change.
Kabilang sa mga inaasahang talakayin ang pagpapalakas ng climate change adaptation sa lokal na antas, paggamit ng nature-based solutions, at pagbuo ng mga programang magtataguyod ng mas napapanatiling turismo at ekonomiya.
Binigyang-diin din ang potensiyal ng Isabela na maging regional hub para sa creative industries, innovation at sustainability pagsapit ng 2030.
Inaasahang magsisilbi ring plataporma ang summit para sa pagpapalitan ng kaalaman, karanasan at mga makabagong ideya na maaaring maisakatuparan sa mga lokal na komunidad.











