Tumangging magbigay ng espekulasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung may impluwensiya sa loob ng militar si Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa pagiging alumni nito ng Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, nakatuon lamang ang militar sa pagtupad sa kanilang mga misyon at hindi nila nais magbigay ng komento batay sa background o koneksyon ng senador.
Binigyang-diin din ni Padilla na kinikilala ng AFP ang papel ng Philippine National Police (PNP), na nangunguna sa operasyon upang matunton at maaresto si Dela Rosa. Aniya, maaari lamang silang magbigay ng suporta kung kinakailangan at alinsunod sa batas.
Matatandaang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na mahirap matunton ang senador dahil sa malalim nitong koneksyon bilang dating hepe ng PNP at PMA alumnus.
Nakaharap si Dela Rosa sa arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na nag-ugat sa war on drugs ng administrasyong Duterte. May nakalaang ₱50 milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto.











