Patuloy na tinutugis ng San Mateo Police Station ang suspek na si alyas Jojo, na sangkot sa pamamaril sa Barangay San Marcos, San Mateo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg. Clemente Caronan Jr., imbestigador ng San Mateo Police Station, sinabi niya na batay sa salaysay ni alyas Jake, isa sa mga nakasaksi sa insidente, nangyari ang pamamaril habang sila ay nag-iinuman.
Matatandaang kinilala ang biktima na si Roberto Miguel, 48 taong gulang, isang construction worker at residente ng Barangay San Marcos, San Mateo, Isabela.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, napag-alamang nagtungo sa lugar ang suspek at nakisali sa inuman. Lumapit umano siya sa mesa nina alyas Jake upang makikanta.
Ilang sandali pa ay dumating ang biktima at pumili rin ng kanta. Habang kumakanta, ipinasa ng biktima ang mikropono sa isa niyang kasamahan.
Dito na umano nagalit ang suspek at inakusahan ang biktima ng pag-agaw ng kanta. Dahil dito, bumunot siya ng baril at pinaputukan ang biktima.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala si Miguel,isa sa dibdib at isa sa likod. Agad naman siyang isinugod sa pagamutan ngunit idineklara ring dead on arrival ng kanyang attending physician.
Ayon sa mga nakasaksi, walang alitan ang suspek at ang biktima bago ang insidente at hindi rin umano sila magkakilala. Napag-alamang dumayo lamang ang suspek sa lugar upang makipag-inuman.
Ayon sa PNP San Mateo, ito ang kauna-unahang insidente ng pamamaril na naitala sa lugar na sanhi lamang ng agawan sa kanta sa videoke.











