CAUAYAN CITY – Pangunahing panauhin si Agriculture Secretary William Dar sa pagdaraos ngayong araw ng 4th National Organic Agriculture Scientific Conference ng Department of Agriculture (DA) sa Japi Hotel sa Sillawit, Cauayan City.
Ito ay may temang ‘Pushing the Frontier of Science towards a sustainable Organic Agriculture’.
Dumalo rin sa aktibidad sina Regional Director Narciso Edillo ng DA region 2, Kalihim Fortunato Dela Penia ng DOST, ISU Systems President Ricmar Aquino, Vice Gov. Faustino “Bojie” Dy III at Congressman Faustino “Inno” Dy V ng 6th district ng Isabela at Mayor Bernard Dy ng Cauayan City.
Dumalo rin ang mga kinatawan ng iba’t ibang pamantasan at DA sa Isabela at iba pang lalawigan sa Hilagang Luzon upang magprisinta ng kanilang mga teknolohiya kaugnay sa organic farming.
Sa kanyang talumpati, hinamon ni Kalihim Dar ang publiko at mga pribadong institusyon na gamitin ang agham at teknolohiya sa pagpapalaganap ng organic agriculture.
Aniya, ang mga teknolohiyang ginagamit ngayon ay nasa first generation o unang level pa lamang ng organic agriculture.
Umaasa siya na sa mga susunod na panahon ay magamit na ang mga teknolohiyang nasa ikatlo at ikaapat na henerasyon.