--Ads--

Ikinasal na ang aktor na si Polo Ravales sa longtime non-showbiz partner nitong si Paulyn Quiza sa isang all-white wedding ceremony nitong Linggo, Mayo 24.

Saksi sa kasalan ang pamilya at malalapit na kaibigan ng magkasintahan kabilang ang ilang celebrity guests gaya nina Dingdong Dantes at Dino Guevarra, base sa mga video clips na ibinahagi sa social media.

Nagsuot si Ravales ng puti at itim na suit na may puting rosas sa kanyang lapel habang si Quiza naman ay nagsuot ng off-shoulder mermaid gown at may hawak na bouquet ng puti at dilaw na bulaklak.

Matatandaang engaged na ang dalawa mula pa noong Disyembre 2018 at nabiyayaan ng anak na si Yatrick Paul makalipas ang tatlong taon.

--Ads--

Sa isang naunang panayam, sinabi ni Ravales na masaya siya sa pagiging ama at sapat na umano para maramdaman niyang kumpleto ang buhay kapag kasama ang kanyang anak.

Sa kasalukuyan, kabilang si Ravales sa cast ng The Master Cutter at mapapanood din sa nalalapit na Netflix anthology na Paskong Pinoy.