Nagpaalala ang mga kinauukulan sa lahat ng motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang katawan bago magmaneho upang maiwasan ang anumang aberya sa kalsada.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL Ricson Guiab, hepe ng Traffic Enforcement Unit, sinabi niya na mahalagang maging alerto at handa ang isang driver sa bawat biyahe upang masiguro ang kaligtasan, hindi lamang ng sarili kundi pati na rin ng ibang gumagamit ng lansangan.
Hinikayat din ni PLTCOL Guiab ang mga motorista na siguraduhing maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe. Kabilang dito ang regular na pag-check ng preno, ilaw, gulong, at iba pang mahahalagang bahagi ng sasakyan.
Ipinunto rin niya ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod sa mga batas-trapiko, lalo na sa pagrespeto sa mga intersection at road signages. Ayon sa paalala, ang mga traffic signs ay inilalagay upang magsilbing gabay at maiwasan ang disgrasya sa kalsada.
Dagdag pa rito, pinaalalahanan ang mga nagmamaneho na tiyaking may kaukulang lisensya bago bumiyahe, alinsunod sa umiiral na batas. Para naman sa mga nakamotorsiklo, mariing inirerekomenda ang pagsusuot ng protective gear gaya ng helmet upang mabawasan ang panganib sa oras ng aksidente.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa disiplina at responsableng pagmamaneho bilang hakbang sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa lansangan.











