--Ads--

Hihigpitan pa ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng batas trapiko laban sa mga motoristang walang lisensya sa lungsod ng Santiago City.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, City Government Department Head I ng DPOS Santiago City, sinabi nito na mahigpit ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO) upang mas paigtingin ang operasyon laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko sa Santiago City.

‎Binibigyang-diin ng mga awtoridad na isa sa pangunahing dahilan ng mga paglabag ay ang pagmamaneho nang walang driver’s license.

Aniya, may mga indibidwal na natutong magmaneho ngunit agad nang bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada nang walang sapat na kaalaman sa batas trapiko.

--Ads--

‎Ipinaliwanag pa na may malaking pagkakaiba ang simpleng natutong magmaneho sa isang lisensyadong driver.

Ang pagkakaroon ng lisensya ay nangangahulugan na dumaan sa tamang proseso, may sapat na training at exposure, at may kaalaman sa mga traffic rules at road signs.

‎Dahil dito, muling nanawagan ang mga awtoridad sa lahat ng motorista na unahin ang pagkuha ng wastong lisensya bago bumiyahe upang maiwasan ang paglabag at mapanatili ang kaligtasan sa lansangan.