Nabigo si Alex Eala na makausad sa Indian Wells Open matapos siyang talunin ni Linda Noskova ng Czechia sa straight sets na 6-2, 6-0 nitong Miyerkules (oras sa Pilipinas) sa California.
Maagang nagpakita ng dominasyon si Noskova matapos agad makalamang ng 3-1 sa unang bahagi ng laban. Bahagyang nakabawi si Eala sa ikalimang laro ngunit muling kinuha ng Czech player ang momentum at tuluyang nakuha ang unang set.
Sa ikalawang set, lalo pang lumakas ang laro ni Noskova na nakapagtala ng pitong aces at tuluyang naipanalo ang laban sa loob lamang ng 56 minuto matapos mapigil si Eala na makapuntos.
Ito ang unang panalo ni Noskova laban kay Eala sa kanilang unang paghaharap sa professional circuit, matapos matalo sa dalawa nilang naging laban bilang junior players sa French Open girls quarterfinal noong 2020 at sa Les Petits As noong 2018.
Sa susunod na yugto ng torneo, makakaharap ni Noskova ang Australian qualifier na si Talia Gibson na nagpatalsik sa No. 7 seed na si Jasmine Paolini sa kanilang round-of-16 match.
Samantala, ibabaling naman ni Eala ang kanyang paghahanda sa nalalapit na Miami Open, ang parehong torneo kung saan siya nagkaroon ng malaking tagumpay noong nakaraang taon matapos makarating sa semifinals.






