--Ads--

Natapos na ang kampanya ni Alex Eala sa 2026 Canadian Open matapos siyang talunin ng dating Olympic champion na si Belinda Bencic, 6-4, 6-0, sa Round of 16 nitong Lunes sa Toronto, Canada.

Hindi nakasabay ang World No. 20 na Pilipina sa matatag na laro ng Swiss netter na si Bencic, na nakuha ang panalo sa loob lamang ng mahigit isang oras.

Sa kabila ng pagkatalo, kapuri-puri pa rin ang ipinakitang kampanya ni Eala na nakapagtala ng 10 panalo sa kanyang huling 11 laban mula pa noong Wimbledon. Bago ang laban kontra Bencic, tinalo niya sina Alycia Parks at Caty McNally upang umabante sa Round of 16 matapos makatanggap ng first-round bye.

Matatandaang sariwa pa ang makasaysayang tagumpay ni Eala sa Washington Open kung saan nasungkit niya ang kanyang kauna-unahang WTA title at naging kauna-unahang Pilipinong nagwagi sa isang WTA Tour-level singles tournament.

--Ads--