Matagumpay na nakapasok sa quarterfinals ng Birmingham Open si Alex Eala matapos talunin si Alina Charaeva sa iskor na 6-2, 7-5 sa isang laban na nagpakita ng kanyang tibay at determinasyon.
Dominante si Eala sa unang set kung saan agad niyang nabreak ang serbisyo ng kanyang kalaban. Napanatili niya ang kontrol sa laro at tuluyang nakuha ang unang set, 6-2.
Gayunman, nagbago ang takbo ng laban sa ikalawang set nang makahanap ng paraan si Charaeva upang guluhin ang ritmo ni Eala gamit ang iba’t ibang tira tulad ng slice shots at drop shots. Dahil dito, nakalayo ang Russian player at nakapagtayo ng 5-2 kalamangan.
Sa kabila ng malaking pagkakahabol, hindi nagpadaig si Eala. Nanatili siyang kalmado at agresibo sa kanyang laro hanggang sa makabawi ng sunod-sunod na puntos. Mula sa 2-5 na pagkakaiwan, napanalunan niya ang limang sa huling pitong laro upang maagaw ang ikalawang set, 7-5, at ang kabuuang panalo sa laban.
Susunod na haharapin ni Eala sa quarterfinals ang Thai tennis player na si Mananchaya Sawangkaew, na kasalukuyang nasa ika-173 puwesto sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
Patuloy namang umaani ng paghanga si Eala sa kanyang matatag na kampanya sa internasyonal na tennis habang pinapalakas ang representasyon ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado ng isport.










