Posibleng hindi makakuha ng exemption si Filipino tennis star Alex Eala mula sa WTA para makalahok sa Asian Games sa Nagoya, Japan.
Ito ay matapos tanggihan ng WTA ang kahalintulad na request ng Indonesian player na si Janice Tjen. Nagsumite na rin ang Philippine Tennis Association ng exemption request para kay Eala, ngunit wala pang desisyon ang WTA.
Nakatakda kasing magsabay ang Asian Games mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 3 at ang WTA 1000 China Open mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 11.
Kapag lumiban nang walang exemption, maaaring patawan si Eala ng zero-point penalty at multang nasa 10,000 dolyar o mahigit 626 libong piso.
Sa kabila nito, handa umano si Eala sa parusa upang makapaglaro para sa Pilipinas. Maaari rin siyang makakuha ng puwesto sa 2028 Los Angeles Olympics kapag nanalo ng gintong medalya sa Asiad.











