Sasabak si Alex Eala sa WTA1000 Qatar Open laban kay Tereza Valentova ng Czechia sa Round 1, kung saan nakatuon ang Filipina tennis star na makabawi matapos siyang masweep noong huli nilang pagtatagpo.
Kung malalampasan ni Eala ang hamon ng 18-anyos na Czech, posibleng makaharap niya ang 2023 French Open finalist at World No. 19 Karolina Muchova (No. 14 seed) ng Russia
Sa ikatlong round naman ay nakaabang ang reigning champion at World No. 4 Amanda Anisimova (No. 3 seed) ng Estados Unidos, sa bracket na kinabibilangan din nina World No. 2 Iga Swiatek ng Poland, No. 8 Jasmine Paolini ng Italy, No. 10 Elina Svitolina ng Ukraine, at No. 12 Linda Noskova ng Czechia.
Inaasahang muling susuportahan ng Filipino crowd si Eala gaya ng sa WTA500 Abu Dhabi, kung saan tinalo niya si Sonmez patungo sa quarterfinals at nakipagtambal kay Janice Tjen para sa doubles semifinal finish.
Ito ang unang WTA 1000 tournament ni Eala bilang direct entry, matapos ang kanyang magical run sa 2025 Miami Open bilang wildcard, kung saan tinalo niya sina Swiatek, Madison Keys, at Jelena Ostapenko—pawang mga Grand Slam champions—na nag-angat sa kanya sa Top 100 at kalaunan sa Top 50.
Ayon sa WTA live rankings, nasa No. 40 si Eala bago ang Doha na may 1244 puntos, at maaari pang tumaas kung makakapasok nang malalim sa torneo.
Nakalaan sa Doha ang hindi bababa sa 65 ranking points at $26,000 kung makakarating si Eala sa second round, na maaaring mag-angat sa kanya sa Top 35.
Matapos ang Doha, susunod ang Dubai Tennis Championships (Pebrero 15-21), Indian Wells BNP Paribas Open (Marso 4-15), at ang kanyang grand return sa Miami Open (Marso 17-29).











