Nagtala ng malaking panalo ang Filipina tennis ace na si Alex Eala matapos talunin ang world no. 8 at dating kampeon ng torneo na si Jasmine Paolini ng Italy, 6-1, 7-6 (7-5), upang umusad sa ikatlong round ng Dubai Tennis Championships nitong Miyerkules ng umaga, oras sa Pilipinas.
Ipinamalas ni Eala ang matinding dominasyon sa unang set bago nalampasan ang 6th seed ng torneo na si Paolini sa dikitang laban sa ikalawang set.
Ipinahayag ni Eala ang kanyang kasiyahan sa pagkapanalo laban sa isang top 10 player at itinuring itong isang malaking tagumpay para sa kanya na makipagsabayan sa ganitong antas ng kompetisyon.
Ayon pa sa kanya, napansin niya ang dami ng mga Pilipinong nanonood sa stadium at naisip kung ilan sa mga ito ang nagdarasal para sa kanyang tagumpay, dahilan upang ibigay niya ang kanyang buong makakaya sa laban.
Ang Dubai Tennis Championships ang ika-anim na torneo ni Eala ngayong taon.
Sa kasalukuyan, ang nag-iisa pa lamang niyang titulo bilang professional title ay ang WTA 125 na kanyang napanalunan sa Guadalajara noong nakaraang taon.











