Umabante na sa quarterfinals ng women’s singles tennis si Alex Eala matapos dominahin si Patcharin Cheapchandej ng Thailand, 6-1, 6-0, sa 2026 Aichi-Nagoya Asian Games sa Japan nitong Lunes.
55 minuto lamang ang kinailangan ni Eala para tapusin ang laban matapos maantala nang ilang beses at ilipat ang venue dahil sa masamang panahon.
Sa kabila nito, sinabi ng 21-anyos na Filipina tennis ace na nakatuon siya sa mga bagay na kaya niyang kontrolin at hindi nagpapadala sa mga external factors.
Ayon kay Eala, prayoridad niya ang paglalaro para sa Pilipinas, lalo na’t Olympic event ang Asian Games at maaari siyang makakuha ng puwesto sa 2028 Los Angeles Olympics kung mapanalunan ang women’s singles title.
Samantala, maaari rin siyang maharap sa posibleng sanctions mula sa Women’s Tennis Association o WTA matapos hindi makalahok sa China Open sa Beijing na nakatakda ring isagawa kasabay ng Asian Games.
Gayunman, sinabi ni Eala na ginagawa ng Philippine Tennis Association o PHILTA ang mga kinakailangang hakbang upang makahingi ng exemption.
Sa quarterfinals, makakaharap ni Eala si Joanna Garland ng Chinese Taipei, habang nananatiling target ng Filipina ang makapag-uwi ng gold medal para sa bansa.











