
CAUAYAN CITY – Pansamantalang isasara simula bukas, Huwebes, July 9, 2020 ang Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City para sa pagsasaayos na isasagawa ng City EngineerinG Office.
Sa pulong na pinangunahan ni Cauayan City Engr. Edward Lorenzo ay napagkasunduan ang nasabing petsa na pagpapasara para sa pagsasaayos sa overflow bridge.
Maglalagay sila ng sidewalk na maaaring daanan ng mga taong tatawid sa tulay subalit maaari lamang itong magamit pagkatapos ng dalawang araw.
Pagkatapos ng 14 na araw ay papayagan na ang pagdaan ng mga motorsiklo at tricycle.
Kailangan nilang patayin ang makina ng motorsiklo at tricycle kapag nakarating sa bahagi ng aayusing tulay upang hindi ito maging sanhi ng vibration.
Pagkatapos ng 28 na araw ay papayagan na ang pagdaan sa tulay ng mga 4 wheels na sasakyan.
Samantala, pinag-usapan din ang minimum na pasahe na sisingilin ng mga tricycle driver sa kanilang mga pasahero.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlunsod Member Telesforo Mallillin, sinabi niya na mula sa poblacion hanggang Alicaocao overflow bridge ay 20 pesos ang pasahe gayundin ang mula sa tulay patungo sa East Tabacal region.
Kailangang sundin ang panuntunan na isang pasahero lamang ang maaaring isakay ng tricycle upang masunod ang social distancing.










