CAUAYAN CITY – Naaresto sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga miyembro ng San Mariano Police Station ang isang ama na unang sinampahan ng kasong rape dahil sa panggagahasa umano sa kanyang dalawang anak.
Sa naging panayan ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Heherson Serafica, Deputy Chief of Police ng San Mariano Police Station, sinabi niya na may nagsumbong sa kanila na ang suspek na isang tsuper at residente ng barangay Zone 3, San Mariano, Isabela ay bago lamang sa paggamit ng illegal na droga.
Sinubaybayan nila ng isang linggo ang suspek bago sila nagsagawa ng drug buy-bust operation sa barangay Santa Filomena, San Mariano na kanyang ikinadakip.
Nasamsam sa pag-iingat ng suspek ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, Php500 na buy-bust money, iba’t ibang ID at mahigit Php 2,000.
Sinabi pa ni PLt. Serafica na nauna nang sinampahan ng kasong rape ang suspek dahil sa panggagahasa umano sa dalawa niyang anak na 18 anyos at 11 anyos na buntis ngayon.
Samantala, itinanggi ng suspek na sa kanya ang nakuhang hinihinalang shabu.
Aniya, ang pera lamang niya ay ang nasa loob ng kanyang pitaka at wala siyang alam sa sinasabing nakuha sa kanyang hinihinalang shabu at buy-bust money.
Ang pahayag ng suspek.












