--Ads--

Hindi inaasahan ng isang ama sa United States na ang simpleng pagsali niya sa isang one-mile road-race kasama ang kanyang isang taong gulang na anak ay mauuwi sa isang bagong world record.

Naitala ng 30-anyos na si Stephen Biebelhausen ang fastest mile pushing a pram (male) matapos niyang matapos ang isang milyang takbuhan sa loob lamang ng 4 minutes and 17.784 seconds habang itinutulak sa stroller ang anak niyang si Blake.

Naganap ang record-breaking run sa Guardian­ Mile, isang taunang karera sa Hope Memorial Bridge sa Cleveland, Ohio.

Ayon kay Stephen, ang una lamang niyang target ay makamit ang course record na 4 minutes and 44 seconds. Hindi niya inakalang kaya rin niyang higitan ang mismong Guinness World Record.

--Ads--

Ayon kay Stephen, wala siyang ginawang espesyal na training. Karaniwan lamang siyang tumatakbo nang tatlo hanggang apat na beses kada linggo kasama si Blake.

Inamin din niyang mas mahirap tumakbo­ habang nagtutulak ng stroller, ngunit nawa­wala umano ang pagod kapag naririnig niyang tumatawa ang kanyang anak.

Saksi naman sa makasaysayang takbo ang misis niyang si Meghan, na nasa gilid ng race course habang sumusuporta sa mag-ama.

Para sa mag-asawa, isa itong kuwentong ma­ipag­mamalaki at maikukuwento nila kay Blake kapag malaki na ito.