CAUAYAN CITY – Malaki ang pasasalamat at naibsan ang pagdadalamhati ng pamilya Tubania sa pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ng kanilang kaanak na si Chief Inspector Michael Angelo Tubania, hepe ng Mallig Police Station .
Inihayag ni Ginoong Joshue Tubania, ama ng pinatay na hepe na naramdaman nila ang tapat na pakikiramay ng Pangulo sa kanilang pamilya.
Sinabi naman ni G. Tubania na nangako ang pangulo na mabibigyan ng trabaho ang asawa ni Chief Inspector Tubania.
Nakita rin anya ni G. Tubania ang pagmamalasakit ni Pangulong Duterte sa kapulisan.
Matapos sulyapan ng Pangulo ang mga labi ng napaslang na hepe ng pulisya ay nakipag-usap siya sa maybahay at mga magulang ng namatay na hepe ng pulisya at nagtagal lamang ng dalawampong minuto sa Isabela Police Provincial Office kung saan nakaburol ang hepe ng pulisya
Nauna rito ay mahigpit ang seguridad na ipinatupad sa paligid ng Isabela Police Provincial Office bago ang pagdating ng Pangulo.
Kasama ng Pangulo si Special Asst. to the President Christopher Bong Go na nagtungo sa Isabela.
Lumapag ang private plane na sinakyan ng Pangulo sa 5th Infantry Division Phil. Army sa Gamu, Isabela saka dumiretso sa Ilagan City kung saan nakaburol ang mga labi ni Police Chief Inspector Michael Angelo Tubania, hepe ng Mallig Police Station.




