Inakusahan ng French disco singer na si Amanda Lear ang American singer na si Miley Cyrus ng pangongopya o plagiarism umano sa isa sa kanyang mga kanta noong dekada 70.
Tinukoy ni Lear ang umano’y pagkakapareho ng kanyang kantang The Sphinx na inilabas noong 1978 at ng bagong awitin ni Cyrus na Redlights.
Inilabas ni Cyrus ang kanyang ikasampung album na Bass Persuades nitong Biyernes, Setyembre 18, na naglalaman ng 10 dance-pop tracks kabilang ang Redlights.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Lear na ikinatuwa umano niya ang pagkakahawig ng kanta at nagbiro na flattered siya na kinopya ito ni Cyrus.
Gayunman, sinabi ni Lear na nais ng kanyang record label na Universal at ng mga publisher ng kanta na mabigyan ng pagkilala ang kanyang pagkakasulat sa lyrics dahil sa umano’y plagiarism.
Nilinaw naman ni Lear na hindi niya kailanman binantaan si Cyrus ng demanda o anumang pagganti.
Mahigit 20 album na ang nailabas ni Lear bilang mang-aawit at composer. Nakilala rin siya bilang muse ng surrealist painter na si Salvador Dali at naging bahagi ng prominenteng London Swinging Sixties scene.





