Makatutulong ang mga amici curiae o “kaibigan ng korte” sa paglilinaw sa mga komplikadong usaping legal sa isinasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, partikular sa usapin ng voting threshold o bilang ng mga boto para sa conviction.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, law professor, sinabi nitong ang amici curiae ay mga indibidwal o grupong hindi partido sa kaso ngunit maaaring magbigay ng ekspertong opinyon o legal na pananaw upang makatulong sa hukuman sa pagdedesisyon.
Aniya, maaaring hingan ng pananaw ang mga constitutional law expert, dating mahistrado at iba pang eksperto sa batas kapag may mga tanong hinggil sa Konstitusyon, batas, proseso ng impeachment at jurisprudence.
Binigyang-diin ni Atty. Arreola na hindi magiging panibagong prosecution o defense ang amici curiae, at hindi rin sila ang magpapasya kung guilty o not guilty si VP Duterte, dahil nasa mga senador bilang impeachment court pa rin ang pinal na desisyon.
Kung magkakaiba naman ang opinyon ng mga amici curiae, sinabi ni Atty. Arreola na ang presiding officer ang magpapasya, maliban na lamang kung magkakaroon ng motion for reconsideration na pagbobotohan ng mga senator-judge at ang desisyong makakakuha ng nakararaming boto ang mananaig.
Hindi rin aniya nangangahulugan na maaantala ang impeachment proceedings dahil lamang sa pagdinig sa mga amici curiae.
Ayon kay Atty. Arreola, mahalagang pakinggan ang kanilang mga pahayag upang maliwanagan ang impeachment court kung ano ang dapat sundin sa usapin ng voting threshold, bagama’t ang Korte Suprema pa rin ang may huling pagpapasya sa usaping legal kung aabot dito ang kaso.











