--Ads--

Nakuha ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang ika-anim nitong freeze order mula sa Court of Appeals (CA) na sumasaklaw sa 39 bank account at iba pang asset na may kaugnayan sa mga umano’y iregularidad sa flood control projects ng pamahalaan.

Kinumpirma ng AMLC na nakuha nila ang pinakabagong freeze order noong Oktubre 10, 2025, na sumasaklaw sa 39 bank accounts, 4 insurance policies, at 59 real estate properties, kabilang ang mga residential, commercial, at agricultural assets.

Dahil sa bagong kautusan laban sa mga ari-arian ng isang hindi pinangalanang opisyal, umabot na sa tinatayang P4.67 bilyon ang kabuuang halaga ng mga na-freeze na hinihinalang ill-gotten wealth simula pa noong unang freeze order na inilabas ng Appellate Court noong Setyembre 16.

Ang kabuuang halaga ay kinabibilangan ng 1,671 bank accounts, 58 insurance policies, 163 motor vehicles, 99 real properties, at 12 e-wallet accounts.

--Ads--

Kaugnay nito, patuloy ang pakikipagtulungan ng AMLC sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa mga anomalya sa pagpapatupad ng flood control projects ng gobyerno.