--Ads--

Inihayag ng veteran rapper na si Andrew E. na hindi niya nakagawiang makipag-collaboration sa ibang artist sa loob ng mahigit tatlong dekada sa industriya dahil hindi umano akma sa kanyang estilo ng musika ang ganitong setup.

Gayunman, sinabi niyang magkakaroon siya ng kauna-unahang collaboration sa kanyang bagong album na Wholesome Again kasama ang kanyang 23-anyos na anak na si MC Fordy, na isa ring rapper. Ang kanilang magiging kanta ay pinamagatang “Interstellar.”

Sa media launch ng kanyang bagong awiting “Pasta,” ipinaliwanag ni Andrew E. na layunin niyang makalikha ng kantang madaling maalala ng mga tagapakinig, katulad ng naging epekto ng ilan sa kanyang mga sikat na awitin noon.

Nilinaw rin ng rapper na hindi siya gumamit ng artificial intelligence (AI) sa paggawa ng kanta. Ayon sa kanya, mahigpit na ngayon ang mga music platform sa pagtukoy ng AI-generated content at maaaring hindi tanggapin ang mga awiting gumagamit nito.

--Ads--

Bukod dito, sinabi niyang mayroon na rin siyang teknolohiyang panlaban sa piracy upang maprotektahan ang kanyang mga kanta laban sa ilegal na pagkopya at pamamahagi.