--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihayag ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. o NVAT na kakaunting buyer ang dahilan kung bakit may mga itinatapon na lamang na aning kamatis ang ilang mga magsasaka.

Ito ay kaugnay sa napaulat na napakaraming kamatis na itinapon sa gilid ng kalsada sa Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julio Basilan, Price Monitoring Coordinator ng NVAT, sinabi niya na ang mga itinapon na kamatis ay mga malapit nang mabulok o may mga sira na tulad ng sugat na nadala sa NVAT kaya hindi na binibili ng mga buyer.

Iginiit ni Ginoong Basilan na kakaunting buyer ang dahilan kung bakit pahirapan sa pagbenta ang mga magsasaka ng kamatis dahil sa kanilang monitoring ay wala namang oversupply ng kamatis sa NVAT.

--Ads--

Kasalukuyan kasi ang pagharvest ng ilang lalawigan na nagpoproduce ng kamatis tulad sa Batangas at Ilocos kaya nabawasan ang nagtutungong buyer sa NVAT.

Maaring ang mga ito ay mga last gather o harvest na ng mga magsasaka o mga tumagal na sa NVAT at hindi binibili ng mga buyer dahil ang hinahanap ng mga ito ay ang magandang klase.

Ayon pa kay Ginoong Basilan, malaki ang epekto sa kalidad ng kamatis ang mga naranasang pag-ulan sa nagdaang linggo.

Aniya nasa 25-30 pesos kada kilo ang wholesale price ng magandang kalidad ng kamatis ngayon subalit hindi umano bibilhin ng mga trader kung hindi maganda ang kalidad nito.

Malaki naman ang lugi ng magsasaka kung ibebenta pa ito sa 5-6 pesos dahil sa trucking pa lang ay nasa 2-3 pesos per kilo na ang kanilang gastos kaya ang iba ay hindi na naghaharvest pa.

Kung may bago naman aniyang suplay ay doon na lamang bumibili ang mga buyer kaya pahirapan din ang pagbenta sa hindi kagandahang kalidad ng kamatis.

Hinikayat niya ang mga magsasaka na itapon na lamang sa mga sakahan ang mga bulok na kamatis dahil magagamit pa ang mga ito bilang pataba.

Nakikipag-ugnayan naman ang pamunuan ng NVAT sa Department of Agriculture para sa maaring maitulong sa mga magsasaka na talagang nalulugi dahil sa kakaunting buyer ng kamatis.